Nanawagan si House Prosecution Counsel Atty. Lorna Kapunan na manatiling ligtas at propesyonal na lugar para sa mga kababaihan ang Senado, kasunod ng naging “pa-cute” na komento ni Sen. Raffy Tulfo sa isang abogado sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Kapunan, maaaring naging misstatement lamang ang pahayag ni Tulfo, ngunit mahalagang alalahanin na ang Senado ay kabilang sa mga institusyong nagpasa ng Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act, na naglalayong tugunan ang gender-based sexual harassment sa mga pampublikong lugar, online platforms, workplaces at educational institutions.
Binigyang-diin ni Kapunan na dapat mapanatili ang isang ligtas na environment para sa mga babaeng abogado at iba pang kababaihang kalahok sa impeachment proceedings, kabilang ang mga senior citizen.
Samantala, nauna nang pinuna ni Tulfo ang House Prosecution panel dahil sa umano’y pagharap ng mga testigong hindi kinakailangan at sa paraan ng pagtatanong ng ilang abogado. Hinimok niya ang prosecution na tiyaking may mahalagang impormasyong maibabahagi ang bawat testigo at huwag gawing tila “courtroom drama” o variety show ang impeachment proceedings.
Noong Enero 2025, inaprubahan naman ng Senado sa ikatlong pagbasa ang isang panukalang batas na naglalayong palakasin ang mga probisyon ng Safe Spaces Act.













