Pinalalakas ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang suporta sa mga pamilya sa pamamagitan ng parenting effectiveness service bilang bahagi ng tugon sa mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, layunin ng programa na mapatatag ang relasyon ng mga magulang at anak at matulungan ang mga magulang na mas epektibong magampanan ang kanilang responsibilidad sa pagpapalaki at paggabay sa mga anak.
Binigyang-diin ni Dumlao ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon sa loob ng tahanan upang mas madaling matukoy ng mga magulang ang mga problemang kinakaharap ng kanilang mga anak at maagapan ang mga sitwasyong maaaring mauwi sa karahasan o kapahamakan.
Bukod sa parenting support, nagbibigay rin ang DSWD ng psychosocial first aid sa mga estudyanteng naapektuhan o nakasaksi ng school violence. Mayroon ding trauma care training para sa mga school personnel at iba pang maaaring tumulong sa mga biktima.
Patuloy naman ang assessment ng mga social worker ng DSWD sa mga pamilyang naapektuhan upang matukoy ang kanilang pangangailangan at maibigay ang angkop na intervention at iba pang suporta mula sa ahensya.













