Muling iginiit ni Imee Marcos ang panawagan sa pamahalaan na pansamantalang suspendihin ang Value-Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo na mabigat na pinapasan ng sektor ng pangingisda at agrikultura.
Ayon sa senadora, ramdam na sa iba’t ibang panig ng bansa ang epekto ng mataas na presyo ng diesel, kung saan nahihirapan na umanong makapalaot ang maraming mangingisda. Nagbabala rin siya na posibleng tuluyang malugi ang maliliit na mangingisda kung hindi agad kikilos ang pamahalaan.
Bilang solusyon, iminungkahi ni Marcos ang pansamantalang pagtanggal ng VAT sa petrolyo, partikular para sa municipal fisherfolk at mga rehistradong commercial fishing operators ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Binigyang-diin din niya ang agarang pangangailangan ng aksyon upang mapagaan ang tumataas na gastos sa produksyon ng mga magsasaka at mangingisda—isang sitwasyong maaaring magdulot ng kakulangan sa suplay ng pagkain at pagtaas ng presyo sa merkado.
Para sa mambabatas, kung nagagawang magbigay ng tax relief sa ibang sektor, mas nararapat umanong unahin ang mga sektor na direktang nagsusuplay ng pagkain sa bansa.













