-- ADVERTISEMENT --

Muling inirekomenda si Associate Justice Jose Midas Marquez para sa posisyon ng susunod na Chief Justice, kasunod ng nominasyon ni retired Supreme Court Associate Justice Arturo Brion sa pamamagitan ng liham sa Judicial and Bar Council (JBC) at kay Chief Justice Alexander Gesmundo noong Setyembre 4.

Binigyang-diin ni Brion ang track record at serbisyo publiko ni Marquez, kabilang ang mga naging ambag nito sa administrasyon ng Korte Suprema noong nagsilbi siya bilang Court Administrator.

Ito na ang ikalawang nominasyon kay Marquez matapos din siyang irekomenda ng Association of Retired Regional Trial Courts of the Philippines noong Setyembre 1. Sa ngayon, hindi pa niya pormal na tinatanggap ang mga nominasyon.

Nagsimula na ang JBC sa pagtanggap ng mga nominasyon matapos itakdang magretiro si Chief Justice Gesmundo sa Nobyembre 6, 2026.

Inanyayahan din ng JBC ang limang pinakamatagal nang Associate Justices na mag-aplay para sa posisyon—sina Senior Associate Justice Marvic Leonen at Associate Justices Alfredo Benjamin Caguioa, Ramon Paul Hernando, Henri Jean Paul Inting, at Rodil Zalameda.

Ayon kay Supreme Court spokesperson Atty. Camille Ting, bahagi ng pormal na proseso at tradisyon ng JBC ang pag-anyaya sa mga senior justice bilang pagkilala sa kanilang seniority at serbisyo sa hudikatura.