-- ADVERTISEMENT --

Matapos ideklara bilang certified urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., asahan na ang mabilisang pag-apruba ng Senado sa susunod na linggo ng panukalang magbibigay ng emergency powers sa ehekutibo upang pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ang hakbang na ito ay isang direktang tugon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng lumalalang tensyon sa Middle East.

Ayon kina Senate President Vicente Sotto III at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, pangunahing prayoridad ngayon ng Senado ang panukalang ito, kaya’t sisikapin nilang maipasa ito nang mabilis. Dahil mayroon nang urgent bill na pag-apruba mula sa Palasyo, awtomatikong hindi na saklaw ng 3-day rule ang lehislasyon. Ibig sabihin, legal na maaaring isalang at aprubahan ng mga senador ang panukala sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob lamang ng isang araw.

Sa panig ng komite, inihayag ni Senate Committee on Ways and Means Chairperson Sen. Pia Cayetano na in principle, naaprubahan na nila ang panukala sa kanilang lebel.

Sa ngayon, ang Senado ay naka-antabay na lamang sa bersyon ng panukala mula sa Kamara de Representantes upang ito’y matalakay at pagbotohan sa Senate plenary.