Nagpatuloy ang pag-ani ng gintong medalya ng Team Pilipinas sa 2026 Aichi-Nagoya Asian Games matapos masungkit ni Jeus Gabriel Derick Yape ang ikaapat na gold medal ng bansa sa Mixed Individual Virtual Taekwondo.
Sa ginanap na Gold Medal Contest sa Toyohashi Gymnasium sa Japan, naging dominante si Yape laban sa Vietnamese bet na si Chau Ngoc Tuyet Sang. Wagi ang Pilipino sa dalawang magkasunod na round, 500-0 at 620-0, para makumpleto ang 2-0 sweep.
Umabot sa 1,120-0 ang kabuuang kalamangan ni Yape sa Remaining HP, na nagbigay-diin sa kanyang matatag na depensa at epektibong mga sipa sa virtual mat.
Bukod sa dagdag na gintong medalya, nakamit din ng Pilipinas ang panibagong milestone sa medal tally. Nalampasan ng delegasyon ang kabuuang medal haul nito sa Hangzhou Asian Games, partikular sa bilang ng mga pilak at tansong medalya, kasabay ng pagkolekta ng apat na ginto.
Patuloy naman ang kampanya ng Team Pilipinas sa Aichi-Nagoya, kung saan umaasa ang delegasyon na madaragdagan pa ang medalya ng bansa sa iba’t ibang kompetisyon.













