-- ADVERTISEMENT --

Hindi bababa sa limang katao ang nasawi at anim ang malubhang nasugatan matapos tamaan ng Israeli airstrike ang isang residential building sa Remal neighborhood sa Gaza City.

Ayon sa medical staff ng al-Shifa Hospital, tinamaan ang al-Asala building habang natutulog ang mga residente at wala umanong naunang babala.

Tumagos ang pagsabog sa tinarget na apartment at naapektuhan din ang mga palapag sa ibaba. Halos isang oras namang isinagawa ang pag-apula sa sumiklab na sunog ng Palestinian Civil Defence.

Apat sa mga nasawi ay babae, kabilang ang isang matandang Kristiyanong babae at kanyang anak.

Patuloy ang search and rescue operations para sa mga posibleng nawawala at mga maaaring na-trap sa ilalim ng guho, habang isinugod naman sa al-Shifa Hospital ang anim na sugatan para sa agarang lunas.