Itinalaga si taekwondo gold medalist Jeus Gabriel Derrick Yape bilang flag bearer ng Pilipinas sa closing ceremony ng 20th Asian Games Aichi-Nagoya 2026 sa Linggo.
Ayon kay Philippine Olympic Committee President Abraham Tolentino, napili si Yape dahil sa kanyang matagumpay na kampanya sa Games, kung saan nakamit niya ang gold medal sa mixed individual virtual taekwondo.
Bukod sa gintong medalya, nakapag-uwi rin si Yape ng bronze sa men’s individual poomsae, bahagi ng makasaysayang kampanya ng Philippine taekwondo na nagtala ng isang gold, tatlong silver at isang bronze medal.
Makakasama niya sa parada ng mga atleta ang mga silver medalists na sina Juliana Mykahil Candelaria, Tachiana Keizha Mangin, Kurt Bryan Barbosa at Carlo Paalam.
Gaganapin ang closing ceremony sa Mizuho Park Athletics Stadium sa Nagoya City alas-5:00 ng hapon.













