Muling naglunsad ang North Korea ng hindi bababa sa isang ballistic missile patungo sa karagatan sa silangang bahagi ng Korean Peninsula, ayon sa militar ng South Korea.
Ayon sa South Korean Joint Chiefs of Staff, nagmula sa Wonsan ang missile at bumiyahe nang mahigit 700 kilometro bago bumagsak sa dagat.
Dahil sa insidente, agad nagpulong ang national security office ng South Korea upang suriin ang paglulunsad at itinaas ang alerto laban sa posibilidad ng panibagong missile launch.
Nakipag-ugnayan din ang South Korea sa Estados Unidos at Japan para sa pagsusuri ng insidente, habang naglabas naman ang Japan ng emergency alert.
Samantala, sinabi ng US Pacific Command na batay sa paunang assessment, walang agarang banta sa mga tauhan o teritoryo ng Estados Unidos at mga kaalyado nito.













