-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Inihayag ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. ang kanyang buong suporta sa opisyal na pagpapaliban ng 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) patungong Nobyembre 2028.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal, binigyang-diin ng gobernador na ang hakbang na ito ay magbibigay ng malaking pagkakataon sa gobyerno na magamit nang husto ang mga inilaang pondo para sa mga agarang proyekto at serbisyo sa komunidad nang walang nararanasang pagkaantala.

Ayon kay Governor Tamayo, kapag natuloy ang halalan sa orihinal nitong iskedyul, awtomatikong iiral ang election ban na naglilimita at nagbabawal sa paglalabas o pagdisbursa ng pondo ng pamahalaan. Ang ganitong mga restriksyon ay kadalasang nagiging mitsa ng pagkaantala sa mga infrastructure projects at iba pang mahahalagang serbisyong panlipunan.

Dahil sa pagkakapasa ng Republic Act No. 12326 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., awtomatikong inalis o lifted na ang mga nakatakdang election prohibition para sa taong ito.

Sa ngayon, mas magagamit ng mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan (LGUs) ang pundo sa pagpatuloy ng mga kapaki-pakinabang na programa.

Giit pa ng opisyal, napakahalagang maihatid ang mga serbisyo sa publiko sa tamang oras at maiwasan ang anumang aberya sa implementasyon ng mga proyekto na lubos na inaasahan at kinakailangan ng mga mamamayan.