Inaprubahan ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang pansamantalang suspindihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag may biglaang pagtaas sa presyo ng langis.
Sa ilalim ng House Bill No. 8418, layunin ng panukalang batas na agad magbigay ginhawa sa mga mamamayan tuwing tumataas ang gastos sa transportasyon, pagkain, at iba pang pangunahing bilihin dulot ng pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, kabilang sina Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, magsisilbi itong mabilis na hakbang ng pamahalaan upang masolusyunan ang matinding pagtaas ng presyo ng langis nang hindi na kinakailangang maghintay pa ng bagong batas sa panahon ng krisis.
Pinapayagan ng panukala ang Pangulo na gamitin ang kapangyarihang ito kung matutupad ang alinman sa dalawang kondisyon: kapag umabot o lumampas sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan, o kung may idineklarang state of national emergency o kalamidad na nagdudulot ng hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.
Ayon pa sa panukala, maaaring ganap na suspindihin o bahagyang bawasan ang excise tax sa mga piling produktong petrolyo, depende sa lawak ng pagtaas ng presyo at sa kinakailangang tulong para sa publiko.













