Nagdeploy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng barko at aircraft upang hamunin at paalisin ang Chinese research vessel na JIA HAI KE 7 na namataan sa loob ng Philippine exclusive economic zone (EEZ), may 38 nautical miles northwest ng Itbayat, Batanes.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela, ilang beses ni-radio challenge ng PCG ang barko upang alamin ang layunin nito at ipatigil ang umano’y hindi awtorisadong marine scientific research, ngunit hindi ito tumugon.
Sinabi rin ng PCG na may indikasyon ng AIS spoofing, kung saan umano’y nag-broadcast ang barko ng lokasyong hindi tugma sa aktuwal nitong galaw. Batay sa Dark Vessel Detection system na ibinigay ng Canada, lumitaw na mula Xiamen ay bigla itong nag-transmit ng lokasyon sa Papua New Guinea bago namataan sa Batanes—isang biyahe na tinawag ng PCG na pisikal na imposible.
Dahil nasa lugar ang mahahalagang submarine cable corridor na nag-uugnay sa Pilipinas sa Northeast Asia at Indo-Pacific, sinabi ng PCG na nakababahala ang presensya ng isang seabed-survey vessel na nagtatago umano ng lokasyon nito.
Patuloy na mino-monitor ng PCG ang JIA HAI KE 7 at sinabi nitong gagamitin nito ang mga hakbang na pinahihintulutan ng batas ng Pilipinas at UNCLOS laban sa mga barkong nagsasagawa ng hindi awtorisadong aktibidad sa maritime zones ng bansa.













