Inaprubahan ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng apat na araw na onsite workweek para sa mga non-teaching personnel simula ngayong Lunes, Marso 9, 2026.
Batay sa memorandum na inilabas ni Education Secretary Sonny Angara noong Marso 8, itatalaga ang Biyernes bilang work-from-home day para sa lahat ng saklaw ng nasabing patakaran.
Ipinatupad ang hakbang na ito bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatupad ng energy conservation measures sa mga tanggapan ng pamahalaan, kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
Saklaw ng patakaran ang mga non-teaching at related-teaching personnel, kabilang ang mga contract-of-service at job order employees. Samantala, magpapatuloy naman ang mga guro sa kanilang regular na klase at iba pang gawain sa paaralan.
Kasabay ng apat na araw na onsite work arrangement, naglabas din ang DepEd ng mga hakbang upang makatipid sa enerhiya, na naglalayong mapababa ang konsumo ng kuryente at gasolina ng 10% hanggang 20%.













