-- ADVERTISEMENT --

Tinukoy ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang ilang pahayag ng prosecution at defense panel na aniya ay maaaring magdulot ng maling pag-unawa sa usapin ng 16-voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Partikular na binigyang-linaw ni Lacson ang pahayag ng prosecution na nagkasundo ang apat na amici curiae na hindi absolute ang 16 boto. Ayon sa senador, hindi ito ganap na naaayon sa naging posisyon ni retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna, na nagpahayag na ang “all” sa probisyon ng Konstitusyon ay nangangahulugang lahat ng miyembro ng Senado.

Itinama rin ni Lacson ang argumento tungkol sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.

Sa naturang paglilitis, 23 senador lamang ang aktibong lumahok matapos mahalal na pangulo si Benigno “Noynoy” Aquino III, ngunit nanatili ang 16-vote requirement para sa conviction.

Ayon kay Lacson, mahalagang maging eksakto ang mga argumento ng magkabilang panig habang pinagpapasyahan ng Senate Impeachment Court kung pananatilihin o babaguhin ang kasalukuyang 16-vote threshold. Ang usapin ay nakatakdang pagbotohan ng mga senator-judge matapos ang oral arguments.