Aminado si Alex Eala na marami pa siyang kailangang pagbutihin bago tuluyang makasabay sa pinakamahusay na manlalaro sa mundo ng tennis, matapos ang kanyang 6-0, 6-2 na pagkatalo kay Coco Gauff sa quarterfinals ng Dubai Duty Free Tennis Championships.
Sa kabila nito, inaasahang magkakaroon pa siya ng maraming pagkakataon upang higit pang mahasa ang kanyang kakayahan sa aktuwal na kompetisyon. Ayon sa ulat, posibleng mabigyan siya ng wild card entries sa ilang torneo kung saan hindi siya awtomatikong pasok sa main draw.
Dahil na rin sa matinding suporta ng mga Pilipinong tagahanga na personal na nanonood ng kanyang mga laban, inayos ng mga organizer ang iskedyul upang mas madalas siyang makapaglaro sa center court. Sinimulan ang hakbang na ito noong Australian Open matapos makatanggap ng puna ang venue ng kanyang singles match.
Si Eala, na kinilalang Athlete of the Year ng Philippine Sportswriters Association kasama ang gymnast na si Carlos Yulo, ay nakapagpuno ng mga venue sa iba’t ibang torneo. Dahil dito, isinaalang-alang ng mga organizer ang pagbibigay sa kanya ng direct entry sa ilang events.
Sa kasalukuyan, ikaapat sa world rankings si Gauff, habang nasa ika-47 puwesto si Eala. Gayunman, napatunayan na ng batang tennis star na kaya niyang makipagsabayan sa mga higante ng sport, kabilang ang kanyang impresibong panalo laban kay Iga Swiatek sa Miami Open noong nakaraang taon.













