Patay ang isang rider ng BOSS Ironman Mindanao Cup 2026 matapos masangkot sa isang aksidente sa kalsada noong Pebrero 1, 2026 sa Kibawe, Bukidnon.
Ayon sa paunang ulat, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo nang bumangga ito sa isang tricycle, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Kinilala ang nasawing rider na si Ronhums Tomuham, 45 taong gulang, at residente ng Nabunturan, Davao de Oro.
Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang kumpletong detalye hinggil sa sanhi ng aksidente, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga pangyayari bago ang banggaan.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang mga organizer ng BOSS Ironman Motorcycle Challenge – Mindanao Leg 2026 kaugnay sa insidente.
Samantala, patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga motorista na mag-ingat at sumunod sa mga patakaran sa kalsada, lalo na sa mga lugar na dinaraanan ng malalaking motorsiklo at iba pang sasakyan.













