TIPO-TIPO, Basilan — Sugatan ang ilang tauhan ng Philippine Army matapos tambangan ng mga hindi pa nakikilalang armadong lalaki ang kanilang sasakyan sa isang highway sa Barangay Bahja, Tipo-Tipo, Basilan, nitong Lunes ng umaga, Oktubre 5.
Ayon sa ulat, naglalakbay ang mga sundalo na kabilang sa 101st Infantry Brigade nang pagbabarilin ng mga suspek ang kanilang sasakyan. Nakabase ang nasabing yunit sa Barangay Tabiawan, Isabela City.
Agad isinugod sa Lamitan City District Hospital ang mga sugatang sundalo para sa paunang lunas at karagdagang gamutan. Hindi muna inilabas ng mga awtoridad ang kanilang mga pangalan habang hinihintay na maabisuhan ang kanilang mga pamilya.
Personal namang nagtungo sa ospital si Basilan Governor Mujiv Hataman, kasama si 101st Infantry Brigade Commander BGen. Frederick Sales, upang alamin ang kalagayan ng mga biktima at tiyaking makatatanggap sila ng kinakailangang tulong.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga nasa likod ng pananambang at ang motibo sa pag-atake. Samantala, nagsagawa na ang militar ng hot-pursuit at manhunt operations sa mga karatig lugar upang matunton ang mga suspek.
Wala pa ring inilalabas na kumpletong detalye ang Basilan Police Provincial Office hinggil sa pagkakakilanlan ng mga umatake.












