-- ADVERTISEMENT --

Nagbabanta na ang Severe Tropical Storm na si Uwan (international name: Fung-Wong) matapos maglabas ng Tropical Cyclone Bulletin No. 1 ang PAGASA ngayong hapon.

Ayon sa pag-asa, si Uwan ay nasa layong 1,175 kilometro silangan ng Eastern Visayas at may lakas ng hanging umaabot sa 110 kilometers per hour, at bugso na 135 kilometers per hour. Patuloy itong kumikilos pakanluran sa bilis na 25 km/h.

Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang agad na itinaas sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao, kabilang na ang bahagi ng Cebu, Bohol, Leyte, Samar, Romblon, Masbate, Camarines provinces, at Dinagat Islands.

Posibleng maranasan sa mga lugar na ito ang malalakas na hangin sa susunod na 36 oras, na maaaring magdulot ng minimal hanggang minor na pinsala.

Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng storm surge na maaaring makaapekto sa northern Luzon at silangang baybayin ng Central at Southern Luzon. Posible ring maglabas ng storm surge warning ngayong gabi o bukas.

Inaasahan namang papasok sa Philippine Area of Responsibility si Uwan mamayang gabi o bukas ng madaling araw, at maaaring mag-landfall sa pagitan ng southern Isabela at northern Aurora sa Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw.

Sa forecast, posibleng maging typhoon sa loob ng 24 oras at super typhoon sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga bago tumama sa kalupaan.

Samantala, pinapayuhan ang mga motorista at mga bangkang maliliit na huwag munang pumalaot dahil sa very rough to rough seas sa eastern seaboards ng Luzon, Visayas at Caraga.

Muli, pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko at mga LGU na maging alerto at sundin ang anumang anunsyo ng kanilang lokal na disaster officials.

Ang susunod na Tropical Cyclone Bulletin ay ilalabas 11:00 ngayong gabi.