-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang mga eksperto sa kahalagahan ng agarang pagpapakonsulta matapos ang anumang direktang contact sa paniki, kahit walang nakikitang kagat o sugat, kasunod ng pagkamatay ng isang 11-anyos na batang lalaki sa Ontario, Canada dahil sa rabies.

Batay sa ulat ng Canadian Medical Association Journal, napadapo sa mukha ng bata ang isang paniki habang siya ay natutulog sa isang cottage noong summer ng 2024. Bagama’t agad itong naitaboy at walang nakitang sugat sa bata, hindi na siya dinala sa ospital o nabigyan ng anti-rabies vaccine.

Makalipas ang halos tatlong linggo, nagsimula siyang makaranas ng pamamanhid sa mukha, pagkawala ng gana sa pagkain, at pamamaga. Kalaunan ay lumala pa ang kanyang kondisyon hanggang makaranas ng hirap sa paglunok, pagkalito, hallucinations, at labis na paglalaway. Kinumpirma ng mga doktor na siya ay may rabies at pumanaw makalipas ang 17 araw sa ospital.

Ayon sa mga eksperto, ang rabies ay halos palaging nakamamatay kapag nagsimula na ang mga sintomas, ngunit maaari itong maiwasan sa pamamagitan ng agarang post-exposure vaccination. Dahil dito, hinihikayat ang publiko na magpatingin kaagad sa doktor matapos ang anumang direktang contact sa paniki, dahil maaaring may maliliit na kagat na hindi agad napapansin.