Kumalas sa armadong grupo ang isang umano’y political instructor ng Regional Operations Command-Far South Mindanao Region o ROC-FSMR ng CPP-NPA-NDF at nagbalik-loob sa pamahalaan matapos umanong barilin ng kanyang mga kasamahan sa Tagum City noong Setyembre 19.
Kinilala ng mga awtoridad ang dating miyembro sa mga alyas na Lovie, Tikong at Yassie, na sinasabing political instructor ng Executive Committee at medic ng grupo.
Matapos masugatan, humingi umano siya ng tulong sa South Cotabato Provincial Government para sa kanyang pagpapagamot at seguridad. Dinala siya sa isang pagamutan habang inaasikaso ang proseso ng kanyang pagbabalik-loob.
Ayon kay Lovie, nagpasiya siyang tuluyang kumalas matapos umano niyang maranasan ang mga banta mula sa kanyang mga kasamahan at ang hirap ng patuloy na pamumuhay at pagtatago sa kabundukan.
Hangad umano niya ngayon ang mapayapang pamumuhay at mas magandang kinabukasan para sa kanyang pamilya, lalo na’t nagdadalang-tao siya.
Kasunod nito, tiniyak naman ni 603rd Infantry Brigade Acting Commander Colonel Glenn Loreto T. Caballero na handang tumulong ang pamahalaan sa mga miyembro ng armadong grupo na nais talikuran ang kanilang grupo at magsimulang muli.
Patuloy namang nagbibigay ng seguridad, gamutan at iba pang kinakailangang suporta ang mga awtoridad kay Lovie habang isinasagawa ang proseso ng kanyang pagbabalik-loob.













