Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm “Jangmi” nitong madaling araw ng Mayo 29 at tatawaging “Domeng” habang nasa loob ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa pinakahuling tala ng ahensya, huling namataan ang bagyo mga 1,200 kilometro silangan ng Southern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging nasa 75 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 90 kilometro kada oras habang kumikilos pahilaga sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Ayon sa forecast ng PAGASA, inaasahang mas lalakas pa si “Domeng” at posibleng umabot sa typhoon category bago matapos ang Sabado, Mayo 30. Posible rin itong tuluyang lumabas ng PAR pagsapit ng Lunes, Hunyo 1.
Patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang galaw ng bagyo at pinapayuhan ang publiko na manatiling handa at sumubaybay sa mga susunod na weather bulletin at abiso.













