Nasa kapangyarihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpili sa susunod na Punong Mahistrado ng Pilipinas na papalit kay Chief Justice Alexander Gesmundo, na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 6, 2026.
Ayon kay Atty. Christian Gonzales, guest lawyer ng Dura Lex Sed Lex at law professor/lecturer, nakapagsumite na ang Judicial and Bar Council (JBC) ng shortlist na naglalaman ng limang pangalan na pinagpipilian para sa pinakamataas na posisyon sa hudikatura.
Kabilang sa mga nominado sina Senior Associate Justice Marvic Mario Victor F. Leonen, at Associate Justices Alfredo Benjamin S. Caguioa, Rodil Zalameda, Japar Dimaampao at Jose Midas Marquez.
Ipinaliwanag ni Gonzales na nakasaad sa Article VIII, Section 9 ng 1987 Philippine Constitution ang kapangyarihan ng Pangulo na magtalaga ng mga mahistrado ng Korte Suprema, kabilang ang susunod na Chief Justice, mula sa mga inirekomenda ng JBC.
Dagdag pa niya, hindi limitado sa mga kasalukuyang mahistrado ng Supreme Court ang maaaring mapili bilang Punong Mahistrado. Gayunman, kailangang matugunan ng kandidato ang mga kwalipikasyong itinakda ng Konstitusyon.
Kabilang dito ang pagiging natural-born Filipino citizen, miyembro ng Philippine Bar at may hindi bababa sa 15 taong karanasan sa pagsasagawa ng batas, bukod sa pagkakaroon ng napatunayang kakayahan, integridad, katapatan at talino.
Binigyang-diin din ni Gonzales na dumaan sa masusing proseso ng pagsusuri ang limang shortlisted candidates bago sila itinuring na kuwalipikadong mapabilang sa mga posibleng susunod na mamuno sa Korte Suprema.













