Kinuwestiyon ni Senator Bong Go ang timing ng warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng tatlong bilang ng grave threats.
Ayon kay Go, nakapagtataka kung bakit ngayon lamang inilabas ang warrant gayung naganap pa noong Nobyembre 2024 ang insidenteng pinagmulan ng kaso. Napansin din niyang kasabay ito ng nagpapatuloy na impeachment trial ni Duterte sa Senado.
Nag-ugat ang kaso sa pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024 na mayroon siyang nakausap na tao na inatasang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Matapos ang imbestigasyon ng Department of Justice, inirekomenda ng mga prosecutor ang piyansang P120,000 bawat kaso. Naglabas naman ng warrant ang Quezon City RTC Branch 98 matapos makakita ng probable cause para sa paglilitis.
Nauna nang kinuwestiyon ng kampo ni Duterte ang hurisdiksiyon ng korte at naghain ng motion to quash. Gayunman, sinabi ng kaniyang abogado na hindi iiwas ang bise presidente sa proseso at gagamitin ang mga legal na remedyo.
Samantala, sinabi ng DOJ at Malacañang na iginagalang nila ang desisyon ng korte at hindi nakikialam sa hudikatura.
Sa kabila ng kaniyang pagkuwestiyon sa timing, sinabi ni Go na naniniwala siyang kakayanin ni Duterte na harapin ang mga kasong kinakaharap nito.













