Iginiit ni Robin Padilla na wala pa siyang natatanggap na summons kaugnay ng imbestigasyon sa pag-alis ni Ronald dela Rosa mula sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14.
Ayon kay Padilla, nakahanda siyang magpaliwanag sa oras na opisyal siyang maimbitahan ng mga awtoridad, lalo na matapos siyang maiugnay sa pag-alis ni dela Rosa mula sa Senate premises habang umiiral ang arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court laban sa senador.
Samantala, sinabi ni Melvin Matibag na mahalagang linawin ni Padilla ang naging papel nito sa insidente, dahil siya umano ang huling nakitang kasama ni dela Rosa bago ito umalis sa protective custody ng Senado.
Sa hiwalay namang pahayag, itinanggi ni Padilla na nasa ikalawang palapag siya ng Senado nang maganap ang pamamaril noong gabi ng Mayo 13. Aniya, bumaba lamang siya upang tingnan ang kalagayan ng ibang senador matapos marinig ang putukan bago muling bumalik kay dela Rosa.
Nauna nang napaulat na wala na si dela Rosa sa Senado pasado alas-2:00 ng madaling araw noong Mayo 14. Inamin din ni Padilla na kanya ang sasakyang namataan sa CCTV footage na lumabas ng Senado, ngunit hindi niya kinumpirma kung sakay rito si dela Rosa.
Noong Lunes, isinailalim si dela Rosa sa protective custody ng Senado matapos tangkaing arestuhin ng National Bureau of Investigation sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng ICC.













