KORONADAL CITY – Nanawagan ng hustisya ang pamilya ng dalawang magsasakang nasawi habang isinasagawa ang tradisyunal na ritwal na tinatawag na “Sulif” sa Glamang River, Barangay Datal Anggas, Alabel, Sarangani Province, matapos kuwestiyunin ang tagal ng kanilang pananatili sa ilalim ng tubig.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jun Mansag, pamangkin ng isa sa mga biktimang si Tonny Bulanon Mansag, sinabi nitong mas nararapat sanang ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang magpasya sa usapin ng alitan sa lupa, sa halip na ipaubaya sa mga opisyal ng Barangay Datal Anggas ang pagpapasya sa magiging resulta ng nasabing ritwal.
Tinatayang nasa 15 ektarya ang lupang pinagtatalunan ng dalawang pamilya, ayon kay Jun Mansag.
Kinuwestiyon din niya ang tagal ng pagsasagawa ng ritwal, dahil ayon sa kanya, dalawang minuto lamang ang itinakdang panahon para sa paglubog sa ilalim ng tubig batay sa batas o kaugalian ng kanilang tribo.
Aniya, kapag hindi kinaya ng isa sa mga kalahok ang itinakdang oras, itinuturing nang tabla ang resulta ng ritwal.
Gayunman, sinabi ni Mansag na umabot umano sa walong minuto ang paghihintay bago tinulungan ang dalawang magsasaka.
Dahil dito, nais ng pamilya na malinawan kung bakit lumampas umano sa itinakdang oras ang ritwal bago kumilos ang mga taong naroroon upang sagipin ang dalawang lalaki.
Matatandaang nasawi sina Tonny Bulanon Mansag, 69-anyos, may asawa at residente ng Sitio Ulo Tubay, at Gaspar Tusan Palasanon, 49-anyos, may asawa at residente ng Sitio Katimbol. Pareho silang residente ng Barangay Datal Anggas, Alabel, Sarangani Province.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Alabel Municipal Police Station, kusang nagtungo ang dalawa sa Glamang River upang isagawa ang tradisyunal na ritwal na may kaugnayan umano sa alitan sa pagmamay-ari ng lupa.
Habang isinasagawa ang ritwal, kapwa nanatili sa ilalim ng tubig ang dalawang lalaki at nakaranas ng hirap sa paghinga matapos ang tinatayang 12 minuto.
Agad silang isinugod ng kanilang mga kasamang tribo sa Sarangani Provincial Hospital. Gayunman, idineklarang dead on arrival si Mansag, habang namatay naman si Palasanon makalipas ang ilang oras na pananatili sa ospital.
Sa ngayon, hinihintay pa ang opisyal na resulta ng imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari, kabilang ang mga naging hakbang ng mga naroroon sa pagsasagawa ng ritwal at ang mga posibleng pananagutan kaugnay ng pagkamatay ng dalawang magsasaka.













