-- ADVERTISEMENT --

Sinusuri ng Department of Energy (DOE) ang posibilidad na mag-import ng langis mula sa Russia bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na palawakin ang mga pinagkukunan ng suplay ng enerhiya, sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, wala pang aktuwal na import order sa ngayon dahil hinihintay pa ng Pilipinas ang paglilinaw mula sa Estados Unidos kaugnay ng sanctions waiver. Giit niya, layunin ng gobyerno na hindi umasa sa iisang pinanggagalingan ng langis upang mapanatili ang katatagan ng suplay at maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo.

Kasalukuyang bukas din ang bansa sa iba pang suppliers mula sa Brunei, India, Canada, at mga bansa sa South America bilang bahagi ng mas malawak na sourcing strategy ng enerhiya.

Samantala, ipinaliwanag ng DOE na ang kamakailang pagbaba ng presyo ng gasolina ay bunsod ng pansamantalang galaw ng global oil market matapos ang anunsyo ng ceasefire sa pagitan ng Estados Unidos at Iran. Gayunman, nagbabala ang ahensya na maaaring hindi tumagal ang rollback dahil sa patuloy na tensyon sa Middle East.

Sa kabila ng mga paggalaw sa merkado, tiniyak ng DOE na nananatiling sapat ang imbentaryo ng langis sa bansa, na umaabot sa average na 50 araw na supply para sa petroleum products—kabilang ang kerosene (105 araw), gasolina (54 araw), diesel (49 araw), at LPG (36 araw).