-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na walang nakaplanong pag-uusap o paglagda sa anumang kasunduan kaugnay ng Pax Silica Economic Security Zone sa nakatakdang ASEAN Leaders’ Summit sa Maynila ngayong Nobyembre.

Sa kanyang pahayag nitong Sabado, Nobyembre 8, pinabulaanan ni Lipton ang mga ulat na magkakaroon ng anunsyo tungkol sa naturang proyekto sa summit o sa posibleng bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Donald Trump.

Binigyang-diin ng embahador na kailangan munang dumaan sa masusing konsultasyon kasama ang pamahalaan ng Pilipinas bago gumawa ng anumang desisyon. Isasaalang-alang din umano ang magiging epekto ng proyekto sa lahat ng sektor na posibleng maapektuhan.

Kinumpirma rin ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na malabong maisapinal ang usapin sa ASEAN Summit dahil nagpapatuloy pa ang negosasyon.

Matatandaang kabilang sa mga planong kaugnay ng US-initiated Pax Silica ang pagtatayo ng mahigit 1,600-ektaryang AI data center sa Capas, Tarlac.

Gayunman, umani ito ng pagtutol mula sa ilang progresibong grupo at komunidad ng mga Aeta na nagpahayag ng pangamba sa posibleng epekto ng proyekto sa kanilang lupain at kabuhayan.