-- ADVERTISEMENT --

Pinaalalahanan ni Senator-Judge Erwin Tulfo si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin na seryosohin ang kaniyang testimonya at maging tapat sa pagsagot sa mga tanong matapos maging malabo ang kaniyang mga sagot tungkol sa umano’y pagbiyahe niya sa China noong Nobyembre 2025.

Naganap ito nang tanungin ni private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr. kung kabilang si Adalin sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Davao City na umano’y nakinabang sa all-expenses-paid trip sa China na inisponsor ng Chinese Consulate.

Sa halip na direktang sumagot, sinabi ni Adalin na hindi kaugnay sa pagdinig ang tanong at hindi na niya maalala ang naturang biyahe.

Ipinaliwanag naman ni Tolosa na bahagi ng kaniyang tungkulin sa cross-examination ang masusing pagtatanong upang masuri ang kredibilidad ng testigo.

Dahil dito, pinagsabihan ni Tulfo si Adalin at iginiit na nasa ilalim siya ng panunumpa kaya dapat niyang seryosohin ang bawat tanong. Binalaan din siya ng senador sa posibleng pananagutan kapag napatunayang nagsisinungaling sa kaniyang testimonya.

“Ginagawa ninyong kengkoy ang inyong testimonya,” pahayag ni Tulfo.

Si Adalin ang unang testigong iniharap ng defense team sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. Kabilang sa mga naging tanong sa kaniya ang kaniyang pagkakatalaga bilang Davao City Assessor noong 2017, nang alkalde pa ng lungsod si Duterte.