-- ADVERTISEMENT --

Ilang katao ang nasawi at nasugatan matapos sumiklab ang malaking sunog sa Canadian Forces Base Wainwright sa Alberta, Canada, noong Sabado, Oktubre 17.

Kinumpirma ni Canadian Defense Minister David McGuinty ang pagkakaroon ng mga nasawi at sugatan, ngunit hindi pa inilalabas ang eksaktong bilang ng mga biktima at ang sanhi ng insidente. Ayon sa kanya, nagpapatuloy ang pagtugon sa sunog at nananatiling seryoso ang sitwasyon sa base, na nasa humigit-kumulang 210 kilometro silangan ng Edmonton.

Batay sa pahayag ng Canadian Armed Forces, nagsimula ang sunog bandang alas-4 ng hapon, lokal na oras, sa training area ng base. Mabilis na kumalat ang apoy lampas sa bakuran ng pasilidad at umabot sa kalapit na distrito, kaya rumesponde ang mga tauhang militar at sibilyang emergency responders.

Patuloy na iniimbestigahan ng Canadian military at Royal Canadian Mounted Police ang insidente. Sa kabila ng pag-abot ng apoy sa kalapit na lugar, wala pang inilalabas na kautusan para sa paglikas ng mga residente.

Samantala, sinabi ni Canadian Prime Minister Mark Carney na nakikipagtulungan ang pambansang pamahalaan sa Alberta at mga lokal na awtoridad upang matugunan ang sitwasyon. Tiniyak din ni General Jennie Carignan, hepe ng Canadian Armed Forces, na prayoridad ang kaligtasan ng mga tauhan ng militar, kanilang pamilya at mga komunidad na nakapaligid sa base.