-- ADVERTISEMENT --

Posibleng mas mabigat na naman ang gastusin ng mga motorista at mamimili sa nakaambang malaking taas-presyo ng produktong petrolyo ngayong Martes, Hulyo 21.

Batay sa pagtaya, maaaring tumaas ang presyo ng diesel ng P10 hanggang P11 kada litro, gasolina ng P3 hanggang P4 kada litro, at kerosene ng P11 hanggang P12 kada litro. Iniuugnay ito sa paggalaw ng pandaigdigang presyo ng langis na dulot ng nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Bago pa man ipatupad ang dagdag-presyo, dagsa na ang mga motorista sa ilang gasolinahan upang magpakarga at makaiwas sa mas mataas na halaga ng krudo. May ilan ding nagsabing mapipilitan silang mag-commute muna dahil halos doble na ang gastos sa pagpapa-full tank ng kanilang mga sasakyan.

Hindi lamang mga motorista ang inaasahang maaapektuhan. Nagbabala rin ang ilang vegetable traders na tataas ang kanilang gastos sa transportasyon, dahilan upang isaalang-alang ang pagdagdag sa presyo ng mga gulay at iba pang paninda.

Sa kabila nito, sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na wala pa silang natatanggap na aplikasyon para sa price adjustment ng mga manufacturer ng pangunahing bilihin, kaya hindi pa inaasahan ang agarang pagtaas ng presyo ng basic goods.

Samantala, nakatakdang ilabas ng Department of Energy (DOE) ang opisyal na anunsyo ng fuel price adjustment sa mga susunod na araw habang nananatiling nasa ilalim ng state of national energy emergency ang bansa.