Target ng Department of Energy (DOE) na ma-award ang centralized auction para sa mga mid-merit natural gas power plant sa ikaapat na quarter ng 2026 bilang bahagi ng plano ng pamahalaan na palakasin ang suplay ng kuryente sa bansa.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, nakikipag-ugnayan na ang DOE sa iba’t ibang ahensya at sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) upang maisagawa ang bidding process.
Layunin ng programa na hikayatin ang pagtatayo at pagpapalawak ng mga natural gas power plant na maaaring gamitin sa panahon ng mataas na demand sa kuryente.
Ipinaliwanag ng DOE na mas mabilis tumugon ang natural gas power plants kumpara sa coal-fired power plants, kaya nakatutulong ang mga ito upang maiwasan ang kakulangan sa suplay ng kuryente, lalo na sa oras ng matinding konsumo.
Gayunman, kinilala rin ng ahensya na mas mataas ang gastos sa paggamit ng natural gas kaysa sa coal.
Kasabay nito, pinabibilis din ng DOE ang pagpapatupad ng mga renewable energy projects, kabilang ang Green Energy Auction 8 para sa mga proyekto sa Mindanao at Green Energy Auction 9 na nakatuon sa solar-on-stilts at agrisolar projects.
Ayon sa DOE, inaayos na rin nito ang mga kinakailangang kasunduan sa Department of Agriculture upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga nabanggit na proyekto.









