Nagmarka ng pangkalahatang katahimikan ang paggunita ng Holy Week 2026 sa bansa, ayon sa Philippine National Police (PNP), na nagsabing walang naitalang malalaking insidente hanggang Abril 6.
Ipinakita ng datos ng pulisya ang positibong pagbaba sa ilang pangunahing insidente. Bumaba ang bilang ng vehicular accidents mula 9,388 noong 2025 sa 8,259 ngayong taon, habang ang drowning incidents ay lumiit mula 143 patungong 84.
Kasabay nito, kapansin-pansin ang pagtaas ng fire incidents na umabot sa 170, higit doble kumpara sa 82 na naitala noong nakaraang taon. Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, isa sa mga nakitang dahilan nito ay ang pagkaantala sa procurement ng mga fire truck.
Sa usapin ng krimen, bumaba ng 23% ang tinatawag na focus crimes—mula 1,574 kaso noong 2025 sa 1,207 ngayong 2026. Kabilang sa mga bumabang insidente ang murder (165 patungong 160), homicide (65 patungong 49), robbery (157 patungong 153), at theft (508 patungong 443).
Pinakamalaki ang ibinaba sa kaso ng rape, na mula 404 ay naging 139. Bumaba rin ang mga kaso ng carnapping, parehong sa motor vehicles (13 patungong 6) at motorcycles (10 patungong 4).
Sa kabuuan, lumiit ng 13% ang total recorded incidents sa buong bansa—mula 11,187 noong 2025 sa 9,720 ngayong taon.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., mahalaga ang naging papel ng koordinasyon ng mga local government unit at iba pang law enforcement agencies sa pagbabagong ito. Binigyang-diin din ng PNP ang patuloy na pakikipagtulungan ng publiko upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan, lalo na sa panahon ng malalaking okasyon.













