Iniimbestigahan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang hindi pagtutugma ng oras ng pagkamatay na nakasaad sa death certificate ng Ateneo student na si Rene Clert Baterbonia.
Ayon sa PNP-CIDG, alas-3:40 ng hapon noong Hunyo 8, 2026 nang marekober ang katawan ni Baterbonia. Gayunman, nakasaad sa kanyang death certificate na alas-3:33 ng hapon siya idineklarang namatay—pitong minuto bago pa umano siya narekober.
Sinabi ni PNP-CIDG officer-in-charge P/Lt. Col. Michael Odejerte na hindi pa sila nagbibigay ng anumang konklusyon hinggil sa naturang discrepancy habang patuloy na sinusuri ang mga dokumento at kinukuhanan ng pahayag ang mga medical personnel at doktor na sangkot sa pagproseso ng kaso.
Kasama ni Baterbonia na nasawi ang kapwa Ateneo student-athlete na si Divine Adili, na ayon sa ulat ay narekober naman dakong alas-3:45 ng hapon sa parehong insidente.
Sa pagdinig ng Senado, muling humingi ng paumanhin si Ateneo President Fr. Roberto “Bobby” Yap sa mga pamilya ng dalawang estudyante at tiniyak na nagpapatuloy ang suporta ng pamantasan sa kanilang mga mahal sa buhay at sa mga student-athlete na naapektuhan ng trahedya.
Kinondena rin ni Yap ang cyberbullying at online harassment na nararanasan ng ilang teammates ng mga biktima habang sila ay nagdadalamhati. Aniya, patuloy na nagbibigay ang Ateneo ng counseling, emotional support, at iba pang kinakailangang tulong sa mga apektadong miyembro ng kanilang komunidad.













