-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) na patuloy nilang tinutugis ang mga taong gumagamit ng social media at messaging applications upang magpakalat ng mga bomb threat na nagdudulot ng takot sa mga paaralan at komunidad.

Ayon sa PNP ACG, natutukoy na nila ang mga nasa likod ng mga naturang banta at unti-unti na ring nasasampahan ng kaukulang kaso. Mula Enero ngayong taon, umabot na sa walong kaso ng online bomb threats ang naihain sa korte.

Isa sa pinakahuling insidente ang naganap noong Hulyo 8, 2026 nang makatanggap ng magkasunod na bomb threat ang ilang paaralan sa Cavite. Sa imbestigasyon, lumabas na nag-post ang mga suspek sa social media ng maling pahayag na may nakatanim umanong bomba sa mga paaralan.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ng PNP ACG ang publiko na ang paggawa at pagpapakalat ng bomb jokes o bomb threats—sa social media man o anumang messaging platform—ay may kaakibat na pananagutang kriminal.

Sa ilalim ng umiiral na batas, ang mapapatunayang nasa likod ng bomb threats ay maaaring maharap sa parusang pagkakakulong ng hanggang limang taon at multang aabot sa P400,000.