-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro na ang kasalukuyang hakbang ng House Committee on Justice ay hindi pa isang paglilitis upang tukuyin ang pagkakasala, kundi isang hakbang lamang upang alamin kung may probable cause sa kinakaharap na impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Ginawa ni Luistro ang paglilinaw kasunod ng hindi pagdalo ng Bise Presidente sa itinakdang pagdinig ngayong araw.

Ayon sa mambabatas, mahalagang maunawaan ang limitasyon at mandato ng Kamara sa yugtong ito ng proseso. Ipinaliwanag niya na ang ginagawa sa mababang kapulungan ay isang clarificatory hearing at malayo pa sa mismong trial na isasagawa sa Senado sakaling umusad ang reklamo.

Matatandaan na ang pagtukoy sa probable cause ang magiging batayan ng komite kung may sapat na dahilan at ebidensya upang iakyat ang Articles of Impeachment sa Senado, na siyang magsisilbing impeachment court.

Sa kabila ng hindi pagharap ni VP Duterte sa komite ngayong araw, nagpatuloy ang pagdinig upang himayin ng mga mambabatas ang mga batayan ng reklamo.