Naglabas ng babala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng itaas sa Alert Level 3 ang status ng Kanlaon Volcano sa mga susunod na araw dahil sa tumitinding magmatic unrest.
Ayon sa PHIVOLCS, ang alerto ay kasunod ng naobserbahang crater glow o “banaag” sa bunganga ng bulkan noong gabi ng Mayo 10, na patuloy o lumalakas pa sa mga sumunod na oras. Itinuturing itong indikasyon na umaakyat o malapit na sa ibabaw ang magma, na maaaring mauwi sa mas malakas na pagputok.
Sa inilabas na advisory noong Mayo 11, sinabi ng ahensya na nakakapagtala rin sila ng tinatawag na “invisible emissions” o hindi nakikitang pagbuga ng superheated volcanic gas mula sa bunganga ng bulkan tuwing gabi. Ang mga ito ay nade-detect gamit ang infrared at high-resolution camera monitoring na sinimulan pa noong Nobyembre 4, 2024.
Gabi ng Linggo, unang beses na naobserbahan ang incandescence sa summit ng bulkan, na dulot ng mainit na volcanic gases. Tinatawag itong crater glow o banaag, at ayon sa mga volcanologist, kadalasan itong senyales na maaaring mauwi sa magmatic eruption.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone. Babala ng PHIVOLCS, may banta ng biglaang pagsabog, ashfall, at pyroclastic density currents na maaaring delikado sa mga komunidad sa paligid ng bulkan.









