-- ADVERTISEMENT --

Araw ng Sabado, Mayo 9, naglabas ng opisyal na pahayag ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) kaugnay sa lumabas na ulat tungkol sa diumano’y warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Ayon kay PDP Vice National Spokesperson Ferdinand Topacio, kung mapatutunayang totoo ang naturang warrant, ito ay isang malinaw na paglabag sa soberanya at kalayaan ng Pilipinas bilang isang malayang bansa. Binatikos din ng partido ang administrasyong Marcos dahil sa patuloy nitong pakikipag-ugnayan sa ICC kahit na lumabas na ang bansa sa Rome Statute.

Giit ng PDP, dapat igiit ng pamahalaan ang sariling hurisdiksyon at huwag hayaang maapektuhan ang dignidad ng bansa. Binigyang-diin nila na hindi dapat umakto ang Pilipinas bilang “neo-colonial lapdog” ng Western powers. Ayon sa partido, dapat ding hindi maulit ang umano’y “kaduwagan at katrayduran” na ginawa noon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. “Marcos must remember that one mistake cannot be corrected by another one,” dagdag ni Topacio.

Tiniyak ng PDP na si Dela Rosa, bilang halal ng milyun-milyong Pilipino, ay nararapat mapangalagaan ang kanyang karapatan at due process. Hinihikayat din ng partido ang paggamit ng lahat ng legal na paraan upang ipagtanggol hindi lamang si Dela Rosa kundi pati ang karapatan ng bawat Pilipino laban sa umano’y pang-aabuso at politikal na pananakot.

Nanawagan din ang PDP sa publiko na tutulan ang anumang hakbang na lumalabag sa karapatan ng mamamayan, sa pamamagitan ng mga paraang naaayon sa batas.