-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na dalawa hanggang apat na bagyo ang maaaring mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa buwan ng Agosto.

Batay sa pinakahuling Climate Outlook ng ahensya, inaasahan namang dalawa hanggang tatlong bagyo sa Setyembre, isa hanggang dalawa sa bawat buwan ng Oktubre, Nobyembre, at Disyembre, habang wala hanggang isang bagyo ang posibleng maranasan sa Enero 2027.

Kasabay nito, sinabi ng PAGASA na may posibilidad na mabuo ang isang napakalakas na El Niño mula Oktubre 2026 hanggang Enero 2027. Bagama’t maaaring bumaba ang kabuuang bilang ng mga bagyo dahil dito, nananatili ang posibilidad na ang ilan sa mga mabubuong sama ng panahon ay lumakas at maging super typhoon.

Sa usapin ng pag-ulan, inaasahan ang halos normal na dami ng ulan sa malaking bahagi ng bansa ngayong Agosto. Gayunman, posibleng makaranas ng mas malalakas na pag-ulan ang ilang bahagi ng Western Luzon, habang mas kaunti naman ang inaasahang ulan sa ilang lugar sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.

Nagbabala rin ang weather bureau na maaaring makaranas ng dry spell sa pagtatapos ng Agosto ang ilang bahagi ng Eastern Visayas at Mindanao. Samantala, posibleng magkaroon ng drought sa Camarines Norte, Catanduanes, Biliran, Cebu, Negros Oriental, Northern Samar, Samar, at Siquijor kung magpapatuloy ang kakulangan sa pag-ulan.