-- ADVERTISEMENT --

Inihain na ng Office of the Ombudsman para sa preliminary investigation ang mga kasong plunder, graft, at conflict of interest laban kina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at Sen. Loren Legarda.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, may kaugnayan ang mga reklamo sa isang solar firm na umano’y nabigong tuparin ang obligasyon nitong maghatid ng solar energy para sa bansa.

Ipinaliwanag ni Remulla na nadamay si Legarda sa reklamo dahil sa umano’y paggamit niya ng posisyon bilang dating chairman ng Senate Finance Committee para makatulong sa pagkuha ng prangkisa ng kumpanyang kaugnay ni Leviste.

Giit naman ng Ombudsman, dumaan sa masusing pagsusuri ang kaso at hindi ito resulta ng impluwensiyang pampulitika.

Tinawag din ni Remulla ang isyu bilang umano’y “ghost electricity” dahil bilyon-bilyong halaga ng benepisyo para sana sa bansa ang maaaring naapektuhan.

Samantala, nagpapatuloy ang proseso ng imbestigasyon upang matukoy kung may sapat na batayan para ituloy ang mga kaso sa susunod na yugto.