KORONADAL CITY — Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng isang Ginang na natagpuan sa sapa sa Sitio Mani, Barangay Topland Koroandal City alas-9:40 Martes ng umaga.
Kinilala ng kanyang pamilya ang nasawi na si Ginang Julia Delima, 52 taong gulang, isang maybahay, at residente ng Purok Pag-asa, Barangay Topland, Koronadal City.
Ayon sa paunang impormasyon mula sa kanyang pamilya, ang biktima ay may kinakaharap na karamdaman sa pag-iisip (mental disorder).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Nanay Estelita Monton, isang residente sa naturang lugar, sinabi nitong napansin niya ang isang katawan ng tao na nakalutang sa sapa nang nangunguha ito ng “Pako” kaya’t agad nitong ipinagbigay-alam sa mga otoridad.
Sa ngayon, dinala na sa Subere Funeral Homes ang bangkay at doon din na-identify ng pamilya na ito ang kanilang kamag-anak na si Ginang Julia.
Samantala, una rito, napagkamalan ng pamilya ng nawawalang Delivery Rider na si Josel Velasco Piz, alyas “Oket”, 34 taong gulang, binata, at residente ng Purok Mabuhay, Barangay Mabini, Koronadal City na ito ang natagpuan ngunit kalaunan ay napag-alam na babae ang bangkay.
Napag-alaman na ang missing na delivery rider sa loob ng 6 na araw ay hindi pa rin nakikita sa ngayon.
Malaki naman ang ang hinala ng pamilya Piz na posibleng kinidnap ang rider dahil huli itong nakita na kinuha umano ng hindi nakikilalang mga indibidwal noong Mayo 20,2026.













