-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na “spliced” o pinagtagpi-tagping CCTV footage umano ang inilabas kaugnay ng insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13, 2026.

Sa isang ambush interview nitong Miyerkules, sinabi ni Aplasca na piling bahagi lamang ng mga video ang inilabas upang suportahan umano ang isang partikular na bersyon ng mga pangyayari.

Ayon sa kanya, naghahanda na ang kanilang kampo na ilabas ang kumpletong CCTV footage upang maipakita umano ang buong konteksto ng insidente.

Mariin din niyang pinabulaanan ang mga pahayag na walang naganap na pag-atake sa Senado, kasabay ng panawagang hintayin muna ang kabuuang ebidensya bago maglabas ng konklusyon.

Samantala, sinabi rin ni Aplasca na inaasahan na niya ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso laban sa kanya kaugnay ng insidente.

Nauna nang inirekomenda ng Philippine National Police ang paghahain ng reklamo laban kay Aplasca at dalawa pang security personnel ng Senado dahil sa umano’y paglabag sa rules of engagement at sa mga probisyon ng Republic Act No. 11917.

Kinumpirma rin niya na nakatanggap na sila ng subpoena mula sa Criminal Investigation and Detection Group bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.

Gayunman, itinanggi ni Aplasca ang alegasyong may itinagong ebidensya ang kanilang kampo, kabilang na ang CCTV footage at mga armas na sinasabing may kaugnayan sa insidente.

Dagdag pa niya, nagsagawa umano ng security coordination meeting ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms at ang Government Service Insurance System Security Office noong Mayo 12 bilang paghahanda sa nalalapit na impeachment proceedings sa Senado.