-- ADVERTISEMENT --

Hindi dumalo sa imbestigasyon ang mahigit sampung personnel ng Senado na ipinatawag kaugnay ng insidente ng pamamaril sa loob ng Senado noong gabi ng Mayo 13.

Ayon sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), naisilbi na ang mga subpoena sa naturang mga empleyado noong Martes ng hapon. Kinumpirma ni CIDG Director Major General Robert Alexander Morico II na mahigit 10 Senate staff ang sakop ng kautusan.

Bagama’t hindi pinangalanan ang mga indibidwal, sinabi ng CIDG na nagpadala ang mga ito ng liham upang ipaliwanag ang kanilang hindi pagdalo sa imbestigasyon.

Samantala, ilang tauhan ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ang nauna nang humarap sa CIDG, ngunit nilinaw ni Morico na hindi sumipot ang suspended acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca o sinumang opisyal ng OSAA.

Ayon pa sa CIDG, pinag-aaralan pa nila kung may isasampang kaso laban sa mga hindi dumalo sa ipinatawag na imbestigasyon.