Magdamag na ipinagpapatuloy ng mga awtoridad ang search-and-rescue operations para sa tinatayang 20 kataong pinaniniwalaang na-trap sa ilalim ng gumuhong gusali sa Angeles City nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon kay Jay Pelayo, hindi ihihinto ng rescue teams ang operasyon hangga’t may natatanggap silang senyales ng buhay mula sa mga posibleng survivor na naiipit sa ilalim ng mga debris at tipak ng semento.
Sinabi ni Pelayo na lalo pang pinaigting ng mga rescuer ang kanilang operasyon matapos makadetect ng mga palatandaan ng buhay mula sa ilang indibidwal na pinaniniwalaang nasa ilalim pa rin ng gumuhong istruktura.
Tumutulong na rin umano ang iba’t ibang local government units sa rescue efforts, habang nagdeploy ng malalaking floodlights sa lugar upang masuportahan ang overnight operations.
Ayon sa mga awtoridad, karamihan sa mga nawawala ay pawang mga construction worker. Samantala, mahigit 20 katao na rin ang nailigtas mula sa insidente.
Sa ngayon, isa pa lamang ang kumpirmadong nasawi—isang Malaysian tourist na umano’y nanunuluyan sa isang apartelle na katabi ng bumagsak na gusali.
Nilinaw rin ni Pelayo na nasa 20 lamang ang opisyal na bilang ng mga nawawala at hindi 23 gaya ng unang ulat. Aniya, may ilang napaulat na missing ngunit kalaunan ay nalamang wala naman pala sa lugar nang mangyari ang pagguho, habang ang iba naman ay nakauwi na nang ligtas.













