-- ADVERTISEMENT --

POLOMOLOK, SOUTH COTABATO – Isa ang kumpirmadong patay habang lima naman ang sugatan matapos ang karambola ng apat na sasakyan sa bahagi ng National Highway malapit sa Durian Garden Resort, Purok 9, Barangay Sulit, Polomolok, pasado alas-12 ng madaling araw nitong Sabado, October 18, 2025.

Batay sa ulat ng Polomolok Municipal Police Station, nagsimula ang insidente nang magbanggaan ang dalawang motorsiklo na parehong patungong direksyon ng Tupi. Matapos ang unang impact, nadamay pa ang isa pang motorsiklo at isang Toyota Vios na kasalubong mula Isulan patungong General Santos City.

Kinilala ang nasawing biktima na si alias “Derek”, drayber ng itim na Yamaha N’Max, na agad idineklarang dead on the spot ng MDRRMO rescue team dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.

Sugatan naman sina alias “Carl”, drayber ng isa pang N’Max; alias “Bench”, drayber ng Rusi motorcycle; at ang dalawang pasahero nito na sina “Jovelyn” at “Haidel.” Dinala silang lahat sa Polomolok General Hospital at sa Howard Hubbard Memorial Hospital para sa gamutan.

Samantala, ang drayber ng Toyota Vios na si alias “Nor” ay nasa kustodiya na ng Polomolok PNP para sa karampatang disposisyon.

Sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na ang dalawang motorsiklo ay sangkot umano sa iligal na drag racing bago nangyari ang trahedya.