-- ADVERTISEMENT --

Pinuna ni Leila de Lima ang naging pahayag ni Robin Padilla kaugnay ng posibilidad na harangin ang pagbuo ng impeachment court sakaling umabot sa Senate of the Philippines ang kaso laban kay Sara Duterte.

Ayon kay De Lima, hindi dapat maging “obstructionist” o hadlang sa proseso ang minorya sa Kongreso. Aniya, mahalagang gampanan ng minorya ang tungkulin nitong magbantay at magsuri sa mga hakbang ng pamahalaan, ngunit hindi umano tama na awtomatikong kontrahin o pigilan ang lahat ng proseso.

Ipinaliwanag pa niya na magkaiba ang fiscalization at outright obstruction. Para kay De Lima, ang fiscalization ay ang wastong pagbusisi at pagtutol lamang sa mga kuwestyonableng hakbang, habang ang obstruction ay tahasang pagharang sa proseso kahit wala pang malinaw na basehan.

Kabilang si De Lima sa mga sumusuporta sa isa sa mga impeachment complaint laban kay Duterte, na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at mga pahayag na itinuturing na pagbabanta laban sa Pangulo at kanyang pamilya.

Matatandaang naglabas na ng finding of probable cause ang House Committee on Justice kaugnay ng mga reklamo, na maaaring maging daan upang umusad ang impeachment proceedings at posibleng paglilitis sa Senado.