Nilinaw ng kampo ni Atty. Mans Carpio na hindi nila layuning harangin ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, kasunod ng pagbasura ng Quezon City Regional Trial Court Branch 81 sa kanilang petisyon dahil sa kakulangan umano ng hurisdiksyon.
Ayon kay Atty. Neil Abayon, ang pangunahing layunin lamang ng kanilang petisyon ay mapigilan ang umano’y hindi awtorisadong paglalabas ng confidential documents nina Carpio at VP Sara, at hindi upang pigilan ang usad ng impeachment case.
Sinabi rin ni Abayon na tila natugunan na rin ang kanilang hiling matapos hindi buksan ng House Committee on Justice ang “green box” na naglalaman ng tax records ng mag-asawa. Sa kabila nito, nananatili umanong sensitibo ang usapin lalo pa’t nailabas na sa pagdinig ang ilang dokumento gaya ng AMLC records at SALN.
Bagama’t ibinasura ng korte ang petisyon, iginiit ng kampo ni Carpio na hindi nila ito itinuturing na malaking kabiguan dahil nauna nang nagpasiya ang House panel na huwag nang buksan ang naturang mga rekord.
Hindi rin isinasara ng kampo ni Carpio ang posibilidad na magsampa ng motion for reconsideration o umapela sa mas mataas na hukuman, depende sa magiging direksyon ng mga susunod na hakbang ng Kamara sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte at sa posibleng pagdawit sa pangalan ni Carpio.













