-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ni ICC assistant to counsel Kristina Conti na hindi awtomatikong maaaresto ang mga pinangalanang umano’y kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.

Ayon kay Conti, nakasalalay sa pagpapasya ng ICC Prosecutor kung sino ang hihingan ng arrest warrant. Bagama’t maaaring saklaw ng ICC ang lahat ng sangkot, karaniwang inuuna ng prosekusyon ang mga itinuturing na “most responsible” o yaong may pinakamalaking papel at kapangyarihang pigilan ang krimen.

Kabilang sa mga pinangalanan sina Senador Ronald dela Rosa at Senador Bong Go; dating Justice secretary Vitaliano Aguirre II; mga dating hepe ng Philippine National Police na sina Vicente Danao, Camilo Cascolan, at Oscar Albayalde; dating pinuno ng National Bureau of Investigation na si Dante Gierran; at dating hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency na si Isidro Lapeña.

Samantala, itinanggi ng kampo ni Duterte ang mga paratang at iginiit na “ganap na walang katotohanan” ang listahang inilabas ng ICC.