Tiniyak ni Sherwin Gatchalian na may sapat na pondong maaaring magamit ng pamahalaan para sa rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon sa bagong Senate President, umaabot sa ₱180 bilyon ang maaaring pagkunan ng pondo ng executive department upang pondohan ang mga programa para sa pagbangon ng mga komunidad at imprastrakturang napinsala ng kalamidad.
Binigyang-diin ni Gatchalian, na dati ring namuno sa pagbusisi ng 2026 national budget bilang chairman ng Senate Finance Committee, ang kahalagahan ng mabilis na pagpapalabas ng pondo upang agad na matulungan ang mga naapektuhang residente.
Aniya, hanggang ₱18 bilyon mula sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang maaaring gamitin para sa reconstruction at iba pang rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng lindol.
Kabilang sa mga prayoridad na paggagamitan ng pondo ang pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga nasirang gusali at iba pang mahahalagang imprastraktura.
Iginiit naman ng Senate leader na hindi kakulangan sa pondo ang pangunahing hamon sa ngayon, kundi ang agarang pagproseso at pagpapalabas nito upang mapabilis ang recovery efforts sa mga apektadong lugar.













