Bahagyang bumaba ang foreign debt o panlabas na utang ng Pilipinas sa unang quarter ng taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Umabot ito sa $147.35 bilyon hanggang sa katapusan ng Marso, mas mababa kumpara sa $147.65 bilyon noong nakaraang quarter.
Ayon sa BSP, ang pagbaba ng utang ay bunga ng pagliit ng pamumuhunan ng mga dayuhang mamumuhunan sa Philippine debt securities dahil sa mas maingat na sentimyento sa merkado at mas mahigpit na kondisyon sa pagpapautang para sa mga umuunlad na ekonomiya.
Sa kabila ng patuloy na tensyon sa Middle East at epekto nito sa presyo ng langis at halaga ng piso, sinabi ng BSP na nananatiling “manageable” o kontrolado at nasa ligtas na antas ang panlabas na utang ng bansa.
Samantala, ang short-term external debt na kailangang bayaran sa loob ng isang taon ay umabot sa $25.5 bilyon. Natatakpan ito ng $106.64 bilyong gross international reserves ng Pilipinas, na nagpapakita na may sapat na reserba ang bansa upang tugunan ang mga obligasyon nito sa ibang bansa.













