Nanatiling nakalista si Vice President Sara Duterte bilang miyembro ng Board of Directors ng Metro City Chow Foods Corporation hanggang 2025, ayon sa SEC.
Sa impeachment trial, sinabi ni SEC Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo Fernando del Rosario na makikita ang pangalan ni Duterte sa General Information Sheets ng kumpanya mula 2022 hanggang 2025. Ipinaliwanag din niya na may kapangyarihan ang board sa mga gawain at ari-arian ng isang korporasyon.
Samantala, wala namang pangalan ni Duterte bilang incorporator o director sa mga dokumentong isinumite ng GenCorp. Industries Inc., kahit idineklara niya ito bilang business interest sa kanyang 2023, 2024 at 2025 SALN.
Nang tanungin kung paano posibleng magkaroon ng kontrol si Duterte sa GenCorp, sinabi ni Del Rosario na isa lamang sa mga posibleng senaryo ang pagkakaroon ng kontrol sa pamamagitan ng JTC Group of Companies, na may 55 porsiyentong equity sa GenCorp. Binigyang-diin niyang nakadepende ito sa kung sino ang tunay na may kontrol sa JTC.












